Barangay na Nakapagtala ng COVID-19 Positive, Balik Normal

Cauayan City, Isabela- Balik normal na ang sitwasyon sa Barangay Mallabo, San Mariano, Isabela kung saan tinanggal na ang inilatag na checkpoint matapos maitala ang kauna-unahang kaso ng COVID-19 sa bayan.

Ayon kay Kapitan Junior Guillermo, hindi aniya kinakailangan na katakutan ang pamilya ng nagpositibong pasyente sa kanilang barangay dahil siniguro naman ng mga opisyal na hindi na nakatungtong pa sa lugar ang pasyente dahil agad itong dinala sa quarantine facility ng bayan pagkarating mula sa Metro Manila.

Aniya, tuloy-tuloy naman ang pamimigay ng relief goods sa mga residente sa lugar upang hindi na magtungo sa matataong lugar gaya ng palengke upang makaiwas sa posibleng paghawa sa sakit.


Dagdag pa ng kapitan, binabantayan din nila ang isang Locally Stranded Individual (LSI) matapos mapaulat na hindi napasailalim sa ‘Balik-Probinsya’ Program at sumakay lamang sa isang trucking na ngayon ay isinailalim sa strict home quarantine.

Nakaranas din ng diskriminasyon ang ilang manggagawa sa lugar dahil sa hindi pinapayagan na makapasok sa boundary ng bayan ng Benito Soliven dahil pa rin sa banta ng COVID-19.

Sa ngayon ay nananatili pa rin ang pasyente sa Southern Isabela Medical Center para sa atensyong medikal.

Tiniyak naman ng Lokal na Pamahalaan ng San Mariano ang kaligtasan ng publiko kaya’t bilang tugon patuloy ang kanilang isasagawang paghihigpit sa lahat ng mga checkpoint sa mga papasok at lalabas ng bayan.

Facebook Comments