Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Ronald Viloria, CDRRM Officer ng Cauayan City, inumpisahan na nitong Lunes ang elimination round sa mga kalahok mula sa bawat region sa Lungsod na kung saan nanalo ang mga pambato ng Brgy. Villa Concepcion sa mga sumaling responders ng Forest Region habang sa East Tabacal region naman ay nakuha ng brgy. Andarayan.
Ang bawat grupo na kalahok ay binubuo ng pitong miyembro na kinabibilangan ng Barangay Officials, Tanod at Sangguniang Kabataan (SK) member.
Ayon pa kay Viloria, boluntaryong sumali sa kompetisyon ang mga kalahok kung saan inaasahan sa mga susunod na elimination round ay mas marami pa ang lalahok at makikiisang barangay.
Nakatakda naman ngayong araw ang elimination round ng mga kalahok mula sa West Tabacal region; Huwebes sa Tanap Region; Biyernes sa Poblacion area habang sa araw naman ng Sabado ay gagawin ang selection sa Inter Agency Responders na lalahukan naman ng mga men in uniformed personnel at law enforcers.
Ang mga mananalo o hihiranging top 1 na barangay ay sasabak sa BROD Challenge Championship sa July 28, 2022 na gaganapin sa Hacienda de San Luis ng brgy. San Luis, Cauayan City.
Ayon pa kay Viloria, taon-taon nila itong isinasagawa sa lungsod subalit nasuspinde lang dahil sa pandemya na kung saan ay nasa ika-anim na bugso na ito ngayon.
Layunin ng Brod Challenge na mapalakas ang katawan at madagdagan ang kaalaman ng mga opisyal at kabataan sa lungsod kaugnay sa kahandaan sa pagresponde ng sakuna o sa panahon ng kalamidad.