Umapela sa social media ang pamunuan ng Brgy. Pinmaludpod, Urdaneta City hinggil sa tamang paraan ng pagpaparating ng mga suliranin o isyu sa kinauukulan, kasunod ng kumalat na umano’y “barbaric at mapanirang vlog” na nagtatampok sa inirereklamong lubak-lubak na daan sa Sitio Isla Laet.
Ayon sa barangay, wala namang problema sa pagbibigay ng panambak sa naturang daan, ngunit hindi na kinakailangang manira ng kapwa kung ang layunin ay makapagbigay ng impormasyon sa komunidad.
Nilinaw din ng pamunuan na ang naturang daan ay sakop ng Brgy. Camantiles, at naisama lamang umano sa cadastral survey boundaries ng Pinmaludpod. Dagdag pa nila, hindi rin ito rehistradong barangay road ng Pinmaludpod.
Sa nasabing vlog, sinabing nasa humigit-kumulang 500 residente ang apektado ng kalagayan ng daan. Gayunman, ito ay pinabulaanan ng barangay, at iginiit na tatlong bahay, isang manukan, at isang private right of way lamang ang matatagpuan sa lugar.
Isang residente na nakapanayam ng vlogger ang humiling ng agarang pagsasaayos ng daan dahil sa hirap ng pagdaan lalo na tuwing tag-ulan. Subalit kalaunan ay napag-alamang residente ito ng ibang barangay.
Sa naturang vlog, hinimok din ang ilang opisyal, kabilang ang alkalde, kongresista ng ika-limang na distrito, at gobernador ng lalawigan, na bisitahin at tugunan ang sitwasyon sa lugar.
Samantala, agad namang nagsagawa ng pagbabatak o pagtatambak ang barangay council sa naturang daan. Nakiusap din ang pamunuan sa publiko na maging mapanuri sa mga impormasyong kumakalat sa social media upang maiwasan ang paglaganap ng maling impormasyon o misinformation. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










