Baril ng mga Sundalo ng 5th ID, ‘Di Seselyuhan

Cauayan City, Isabela- Hindi na seselyuhan ang dulo ng baril ng mga sundalo ngayong Kapaskuhan.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Major. Jekyll Dulawan, pinuno ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th Infantry Division, Philippine Army, walang gagawing pagseselyo sa mga baril ng kasundaluhan sa nalalapit na selebrasyon ng Pasko dahil mahigpit at istrikto ang ibinabang mandato para sa mga sundalo.

Ito’y para maipakita at mapanatili rin ang kanilang disiplina sa sarili na hindi makakagawa ng ikasisira ng imahe ng hukbong Katihan kahit na ipinagdiriwang ang Pasko sa kabila ng COVID-19 pandemic.


Sinabi pa ni Maj. Dulawan na alam na ng mga sundalo ang kanilang kalalagyan na sila ay maaaring matanggal sa serbisyo kung makakagawa ng hindi kanais-nais.

Bagama’t nakatanggap na rin ng short firearms ang mga sundalo ay mayroon naman aniya silang guidance na ibinaba ng kanilang Commanding General upang hindi makapagdulot ng anumang hindi inaasahang pangyayari.

Naka-high morale din ngayon ani Maj. Dulawan ang mga sundalo kaya’t malaki ang tiwala sa mga ito na hindi makakagawa ng kabulastugan.

Pero, iginiit pa rin ni Maj. Dulawan na hindi palalampasin ng pamunuan ng AFP kung mayroon man kasapi na makakagawa ng hindi naaayon sa kasundaluhan.

Facebook Comments