HOUSTON, Texas – Arestado ang isang babysitter matapos aksidenteng mabaril ang 10-anyos nitong alaga habang nagse-selfie hawak-hawak ang isang baril.
Ayon sa report ng awtoridad, Martes ng gabi nang bantayan ni Caitlyn Smith, 19, ang biktima sa kanilang tinutuluyang apartment nang bigla umano itong nakakita ng baril.
Kinuha niya raw ito saka nag-selfie nang bigla itong pumutok at agad tumama sa tiyan ng bata.
Sa pahayag ni Harris County Sheriff Ed Gonzales, sumailalim na ang biktima sa operasyon at nasa malubhang kondisyon ngunit inaasahang makakarekober din kalaunan.
Dinala naman si Smith sa Harris County Jail na humaharap sa reklamong “serious bodily injury to a child” at naka-planong humarap sa korte.
Sa salaysay ni Senior Deputy Thomas Gilliland, kinakailangan umanong iligpit nang maayos ang mga delikadong bagay gaya ng baril upang maiwasan ang ganitong uri ng insidente.
“Taking selfies was not the best thing to be doing,” dagdag niya.