Bata, Nabundol ng Dump Truck Patay

Cauayan City, Isabela- Patay ang isang 3 taong gulang na bata matapos mabangga ng dump truck sa kahabaan ng Brgy Rizal, Cauayan City, Isabela.

Kinilala ang biktima na si Wilfredo Aglugob na residente ng Purok 3 ng barangay Rizal sa Lungsod ng Cauayan.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, bumabagtas sa kalsada patungong Kanlurang direksyon ang isang Fosu Dump Truck na walang plaka na naglalaman ng graba at minamaneho ni Michael Mangaoang, 46 taong gulang, residente ng Del Pilar, Alicia, Isabela.


Habang bumabaybay sa lansangan angsuspek partikular sa pakurbang bahagi ng daan ay nakita nito ang patawid na bata kaya’t agad na tinapakan ang preno at sinubukang iwasan ang biktima subalit nabangga pa rin ito.

Dahil dito, nagtamo ng matinding pinsala sa katawan ang biktima na sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.

Dinakip naman ng mga pulis ang drayber ng truck at dinala sa himpilan ng pulisya maging ang minamaneho nito para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon.

Facebook Comments