Manila, Philippines – Pinirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11310 o ang batas na magtatatag sa Pantawid Pamilya Pilipino Program o 4Ps.
Ito ang cash subsidy program ng pamahalaan na layuning pagbutihin ang kalusugan at edukasyon ng mga mahihirap na pamilyang Pilipino.
Sa ilalim ng batas, ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang lead agency sa pagpapatupad ng 4Ps, na tutulong na maiahon sa kahirapan ang marginalized sectors sa pamamagitan ng mga polisya na magbibigay ng social services, pagsusulong ng full employment at itaas ang kalidad ng buhay.
Gagamit ang DSWD ng isang standardized targeting system para tukuyin at pumili ng mga kwalipikadong benepisyaryo ng 4Ps kada tatlong taon.
Sakop ng programa ang mga magsasaka, mangingisda, mga pamilyang walang tirahan, informal settlers, indigenous peoples at ang mga nakatira sa geographically isolated at disadvantaged areas.
Nakasaad sa batas, magbibigay ang pamahalaan ng buwanang cash grant na hindi bababa sa 300 pesos kada bata na naka-enroll sa daycare at elementarya sa loob ng 10 buwan ng taon, 500 pesos naman kapag naka-enroll sa junior high school at 700 pesos kapag naka-enroll sa senior high school.
Mayroon ding health and nutrition grant na hindi bababa sa 750 pesos kada buwan sa loob ng 12 buwan.
Lahat din ng 4Ps beneficiaries ay awtomatikong sakop ng national health insurance program.
Prayoridad din sila ng sustainable livelihood program ng DSWD at iba pang employment programs ng iba pang ahensya ng gobyerno.