Naniniwala si Committee on Labor Chairman Senator Joel Villanueva na magandang balita para sa mga manggagawa ang kapipirma pa lamang na batas ng Malacañang na magbibigay sa pangulo ng kapangyarihang ipagpaliban muna ang singil sa dagdag na Social Security System (SSS) contribution habang may pandemya pa.
Umaasa si Villanueva na gagamitin ng pangulo sa lalong madaling panahon ang nabanggit na kapangyarihan.
Nitong Enero 1, 2021 ay nakatakda ang implementasyon ng 1 percentage point na pagtaas ng SSS membership contribution.
Ayon kay Villanueva, dapat ay tumaas na mula 12 percent hanggang 13 percent ang SSS contribution, ngunit pansamantalang ipinagpaliban.
Iginiit naman ni Villanueva na hindi gaanong maapektuhan ang pinansyal na katayuan ng SSS dahil pansamantala lang ang tigil sa increase at itataas din ito kapag nakabangon na ang mga manggagawa mula sa pandemya.