Friday, November 6, 2026

Batas na nagtatakda ng 5-year term para sa Barangay at SK officials, naaayon sa Konstitusyon — Supreme Court

Pinagtibay ng Korte Suprema ang bisa ng Republic Act 12326 na nagtatakda ng limang taong termino para sa mga opisyal ng Barangay at Sangguniang Kabataan.

Sa desisyong isinulat ni noo’y Associate Justice at ngayong Chief Justice Rodil Zalameda, ibinasura ng Supreme Court ang petisyon ng election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal na kumukuwestiyon sa naturang batas.

Sa ilalim ng R.A. 12326, mula sa dating apat na taon ay magiging limang taon na ang termino ng mga barangay officials.

Iginiit ni Macalintal na labag ito sa mga alituntunin ng SC sa pagpapaliban ng halalan gayundin sa karapatan ng taumbayan sa due process at pagboto.

Pero sinabi ng Kataas-taasang Hukuman na hindi maituturing na batas na nagpapaliban ng eleksyon ang R.A. 12326 dahil ang pangunahing layunin nitong baguhin ay ang haba ng termino ng mga opisyal ng barangay.

Iginiit pa ng SC na may kapangyarihan ang Kongreso na magtakda at magbago ng termino ng mga opisyal ng barangay basta makatwiran ang panahong lilipas bago magsimula ang bagong termino.

Makatwiran naman anila na sa November 2028 idaos ang susunod na Barangay at SK Elections dahil maiiwasan nitong magsabay ang paghahanda ng Commission on Elections (COMELEC) para sa BSKE at May 2028 national and local elections.

Facebook Comments