
Inaprubahan na ng Senate Impeachment Court ang request ng defense team ni Vice President Sara Duterte na ipa-subpoena ang nasa 24 na testigo na kanilang ihaharap sa impeachment trial sa susunod na linggo.
Kinumpirma ni Senate Secretary Renato Bantug Jr., na nakapagpadala na sila ng subpoena sa unang lima at ongoing naman ang pagsisilbi ng subpoena sa 16 na iba pa.
Pinasisipot sila sa Impeachment Court sa susunod na linggo o mula November 9 hanggang 13.
Una sa listahan at balak patestiguhin sa Lunes si Atty Suzette Balucanag-Punay, corporate counsel ng GenCorp Industries Incorporated at Metro City Chow Foods Corporation, mga korporasyon na ayon sa prosekusyon ay may business interests si VP Duterte.
Kabilang sa nais ding patestiguhin ang city assessors sa Davao City at Samal Island Garden City, gayundin ang accountant ng Davao City at isang punong barangay sa Davao City.
Nakasaad sa request ng defense team na kokontrahin ng kanilang mga testigo ang mga alegasyon laban kay VP Duterte ukol sa impeachment Article 2 o ang tungkol sa hindi maipaliwanag na yaman at hindi pagdedeklara ng tama sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).










