Manila, Philippines – Bagamat pinapayagan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang mga religious activities sa mga bilangguan, hindi nila papayagan na saktan ng mga bilanggo ang kanilang sarili bilang pagpepenitensiya ngayong Mahal na Araw.
Sinabi ni BJMP Spokesman Senior Inspector Xavier Solda na taon-taon kapag sumapit ang Semana Santa ay may mga pabasa, panalangin at pag aalay ng banal na misa.
Pero, hindi pinapayagan na saktan ang sarili bilang pagpepenitensiya.
Aniya, may kahirapan na nga sa loob ng bilangguan, baka ma-inpeksyon pa o mapasukan ng mikrobyo ang nilikhang sugat at lalong magkasakit ang inmates.
Dahil inaasahan na ang dagsa ng dalaw ng mga kaanak sa loob ng bilangguan, gagawa ng mga hakbang ang BJMP para hindi ito magsabay-sabay para hindi magsisikip dito.