Bawas-presyo ng gulay bukod sa bigas, iginiit ng liderato ng Kamara

Iginiit ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na bukod sa bigas ay dapat ding maging abot-kaya para sa ordinaryong pamilyang Pilipino ang presyo ng mga gulay.

Tinukoy ni Romualdez ang datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) na nagpapakitang tumataas at pabago-bago ang presyo ng gulay na nagpahihirap sa badyet ng pamilyang Pilipino.

Binanggit ni Romualdez na ang mga pangunahing dahilan ng mataas na presyo ng gulay ang mahinang imprastraktura sa agrikultura, hindi epektibong transportasyon mula sakahan patungo sa pamilihan, at kakulangan ng pasilidad para sa pag-iimbak pagkatapos ng ani.

Bunsod nito ay iminungkahi ni Romualdez ang pamumuhunan sa imprastraktura ng agrikultura, modernisasyon ng teknolohiya sa pagsasaka, pagpapahusay sa mga farm-to-market road, at pasilidad sa imbakan.

Hiniling din ni Romualdez ang mahigpit na pagbabantay sa presyo at regulasyon upang matiyak ang patas na presyo sa farmgate para sa mga magsasaka at mamimili.

Facebook Comments