Nagkasundo ang PNP at ang grupong Bagong Alyansang Makabayan o BAYAN at iba pang grupo na gagawing tahimik, maayos at mapayapa ang kanilang mga kilos sa Hulyo 22, kasabay ng ika-apat na SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa ginanap na diyalogo sa mga militanteng grupo, Community Leaders at stakeholders sa Quezon City, pumayag si Bagong Alyansang Makabayan Secretary General Renato Reyes na sa bahagi na lamang ng St. Peter Church sila magsagawa ng programa.
Ayon kay Reyes, kabilang sa mga lalahok sa tinawag na United Peoples SONA ay United Workers SONA, I-defend, Kalipunan ng Kilusang Masa, Movement Against Tyranny, Peoples Choice, Movement, Laban ng Masa at Sanlakas.
Bago ang main event sa tapat ng St. Peter Church sa Lunes, may mga programa ring isasagawa ang iba’t ibang grupo sa ilang lugar sa Commonwealth Avenue hanggang sa Quezon City Circle.
Lahat ng grupo ay magmamartsa at magkikita sa harap ng St. Peter para sa pangkalahatang programa sa bandang hapon.
Nagsagawa naman ng inspeksyon sa kahabaan ng Commonwealth sina NCRPO Director Guillermo Eleazar at QCPD Dir. Joselito Esquivel Jr.