Bayan ng Naguilian, Nakapagtala ng Unang Casualty sa COVID-19

Cauayan City, Isabela- Bantay sarado ang ilang bahagi ng Purok 1 ng barangay Surcoc sa bayan ng Naguilian matapos makapagtala ng kauna-unahang casualty sa Coronavirus Disease (COVID-19).

Sa eksklusibong panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay barangay Captain Dante Collado, kanyang sinabi na nailibing na kahapon ang labi ng COVID-19 patient na dati rin Kapitan at dating kasapi ng Philippine Army matapos itong bawian ng buhay sa ospital kahapon ng madaling araw.

Ibinahagi ng Kapitan na may kasaysayan ng paglalakbay sa Maynila ang pasyente dahil sa pagsasailalim nito sa dialysis.


Isinailalim din sa swab test ang may-bahay at nanay ng pasyente at nabatid na positibo ang dalawa sa COVID-19.

Kaugnay nito, strikto pa rin ang mga opisyal ng barangay sa pagbabantay sa mga residente na malapit sa lugar ng namatay na nagpositibo at tiniyak naman ng Kapitan na maibigay ang mga pangunahing pangangailangan ng mga naapektuhan.

Mensahe naman nito sa mga kabarangay na mag-ingat at sumunod sa mga ipinatutupad na protocols upang makaiwas sa COVID-19.

Facebook Comments