Cauayan City, Isabela- Nakategorya sa ‘local transmission’ ang bayan ng San Mariano sa Isabela makaraang maitala ang dumaraming bilang ng tinatamaan ng COVID-19.
Ito ay batay sa datos na inilabas ng Department of Health (DOH) region 2.
Ayon sa ahensya, nakapagtala ng 34 cumulative cases ang bayan habang November 23 ng magsimula ang local transmission sa lugar.
Ayon kay Health Education and Promotion Officer Pauleen Atal, inaasahang sa Enero 2 sa susunod na taon ay maituturing na matagumpay ang containment kung hindi na makapagtatala pa ng dagdag na bilang sa mga naunang kaso.
Sa Isabela, kabuuang lima (5) na bayan ang nananatiling nasa ilalim ng local transmission na kinabibilangan ng San Agustin, Aurora, Jones, San Mariano at Santiago City.
Samantala, pumalo na sa kabuuang 3,958 ang tinamaan ng virus sa Cagayan valley habang 389 ang nananatiling aktibo.