Bayan ng Sta Teresita, Kauna Unahang Lugar sa Cagayan na Drug Free

Tuguegarao, Cagayan – Kailangan ang doble trabaho upang mapanatili ang pagiging drug free ng isang lugar.

Ito ang naging mensahe ni Mayor Lolita Dela Cruz Garcia ng Sta Teresita, Cagayan matapos madeklara ang kanyang bayan bilang kauna unahang lugar sa Cagayan na drug free.

Matapos na pumasa sa istriktong panuntunan ng DDB Board Regulation No. 3, Series of 2017, naitala ang naturang bayan bilang ligtas na sa droga simula Setyembre 29, 2017.


Sa nakalap na impormasyon ng DWKD RMN Cauayan News Team mula sa PDEA Region 2, ang pormal na deklarasyon ay ginanap sa Sta. Teresita Gymnasium ay dinaluhan ng Municipal Anti-Drug Abuse Council (MADAC), Barangay Anti-Drug Abuse Councils (BADACs), Barangay Auxiliary Teams (BATs), Tokhang Responders, Opisyal at mga empleyado ng LGU Sta. Teresita, Inter-Faith Based Organizations, Oversight Committee at Technical Working Group, lahat ng hepe ng PNP Cagayan, Anti-Illegal Drugs Convenors, Cagayan PPO Press Corps at Philippine Army.

Hindi nakadalo sa naturang okasyon si Cagayan Governor Manuel Mamba bilang pangunahing bisita at maghahatid ng mensahe ngunit siya ay kinatawan ni Andrew Vincent Pagurayan, ang panglalawigang consultant sa lokal na panggogobyerno at kontra droga.

Ilan sa mga pangunahing personalidad na dumalo ay sina 17IB, 5ID, PA Commanding Officer LtCol Camilo A Saddam, Regional Director Jonathan Paul Leusen Jr ng DILG, PNP Cagayan Provincial Director PSSup Warren G Tolito at DILG Provincial Director Engr Corazon Toribio.

Sa labintatlong (13) barangay ng Sta Teresita ay siyam (9) ang deklaradong drug-cleared samantalang ang apat ay dati nang drug-free.

Facebook Comments