Saan man panig ng mundo, talagang maasahan at matulungin ang mga Pinoy.
Pinatunayan ito ng isang Pilipinong pulis sa Chicago, Illinois matapos sagipin ang buhay ng isang batang nabubulunan noong Hulyo.
Batay sa ulat, nakita ni Earol Jesus Butch Mora ang isang pamilya na nagkakagulo sa loob ng kilalang restaurant na matatagpuan sa Old Orchard Mall.
Agad siyang pumunta sa lugar at nakitang namumutla at hirap nang huminga ang musmos.
Nagbigay si Mora ng paunang-lunas sa paslit at tinapik niya na ang likuran nito para mailuwa ang pagkaing bumara sa lalamunan hanggang sa maging normal ang paghinga.
Ayon sa police officer, sinabayan niya ng dasal ang pagliligtas sa chikiting.
“When I was tapping the baby at the back I was praying, Lord please don’t let this baby die on my arms,” tugon ni Mora sa panayam ng ABC News.
Kuwento pa ng pulis, hindi siya naka-duty nung nangyari ang insidente.
Bago pumunta ng Estados Unidos, nag-aral muna siya ng kursong Hotel Management sa PHINMA-St. Jude College si Mora.
Nang makarating sa Amerika, kumuha siya ng kursong Criminology sa Oakton Community College.