Bayanihan 3, pasesertipikahang urgent ng ilang kongresista

Isusulong nila House Economic Affairs Chairman at AAMBIS-OWA Partylist Rep. Sharon Garin at Marikina Rep. Stella Quimbo na masertipikahang urgent ang panukalang Bayanihan 3.

Ito ay kung sakaling abutin ng sine die adjournment ay hindi pa rin napagtibay ang lifeline measure.

Sinabi ni Garin na kung kakailanganin na magsagawa ng special session ay itutulak nila ito ni Quimbo dahil naniniwala ang mga kongresista na kailangang aprubahan sa lalong madaling panahon ang Bayanihan 3.


Paliwanag ng kongresista, kung walang approval na mangyayari sa Bayanihan 3 bago ang sine die adjournment ay malabo na itong makausad dahil sa pagbabalik ng trabaho sa Kamara ay third regular session na ng 18th Congress.

Dagdag naman ni Quimbo, mahalagang madaliin na ang Bayanihan 3 dahil hindi lang naman pondo ang habol dito kundi ang pagpapalawig sa kapangyarihan ng Pangulo na itinigil na sa ilalim ng Bayanihan 2.

Ilan din sa mga probisyon at programa ng Bayanihan 2 Law ang isinama sa Bayanihan 3 para matiyak na maipagpapatuloy ito bago mapaso o mag-expire sa June 30.

Facebook Comments