Bayanihan to Recover as One Act, lusot na sa Senado

Bilang tugon sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) ay inaprubahan na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2.

22 mga Senador ang bumoto pabor sa panukala at tanging si Senator Francis Kiko Pangilinan lamang ang kumontra.

Nakapaloob sa panukala ang paglalaan ng P140 billion para gamitin ng pamahalaan sa pagtugon sa pandemya.


Ayon kay Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara, pinapalawig ng Bayanihan 2 ang mga COVID-19 programs na ipinatupad ng Bayanihan to Heal as One Act na nawalan na ng bisa nitong June 5, 2020.

Pangunahing mabibigyan ng sapat na pondo sa ilalim ng Bayanihan 2 ang pagpapalawig ng COVID-19 testing at contact tracing gayundin ang tulong pinansyal sa mga health workers na magkakasakit at masasawi dahil sa COVID-19.

Bibigyan din nito ng kakayahan ang gobyerno na tulungan ang mga negosyante, mga manggagawa at Overseas Filipino Workers (OFWs) na apektado ng pandemya.

Kasama sa mabibigyan ng pondo ay ang mga sektor ng agrikultura, transportasyon, turismo, at edukasyon.

Facebook Comments