Ipinagpatuloy ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources – Region 1 ang masusing pagsusuri sa mga baybaying-dagat ng Bolinao, Pangasinan at Anda, Pangasinan kaugnay ng umiiral na red tide alert sa mga nasabing lugar.
Ayon sa ahensya, layunin ng hakbang na ito na matiyak ang kaligtasan ng tubig at mga lamang-dagat, lalo na ang mga shellfish tulad ng tahong at talaba, matapos magpositibo sa red tide toxin ang mga sample na nakolekta nitong Enero at Pebrero.
Regular na sinusukat ng ahensya ang kalidad ng tubig kabilang ang antas ng dissolved oxygen, temperatura, acidity, salinity, at presensya ng mga sustansyang gaya ng ammonia at nitrate na maaaring magdulot ng pagdami ng mapaminsalang algae na sanhi ng Harmful Algal Bloom o red tide.
Bukod dito, nangongolekta rin ng plankton at shellfish samples mula sa mga apektadong lugar upang matukoy kung may toxin-producing species sa karagatan.
Ayon sa tanggapan, mahalaga ang tuloy-tuloy na monitoring upang agad na makapagbigay ng babala sa mga mangingisda at komunidad, maprotektahan ang kalusugan ng publiko, at mapangalagaan ang yamang-dagat at kabuhayan sa mga baybaying lugar. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










