India – Isang Indian driver ang binigyan ng “Manush Sanman” Award dahil sa hindi pagbusina ng sasakyan sa loob ng labing walong taon!
Strange o kakaiba man sa pandinig ng iba pero sa India na kilala sa magulong lansangan, isa raw malaking karangalan na makatanggap ng naturang award.
Karamihan daw kasi ng mga sasakyan sa India lalo na sa Kolkata City ay walang side mirror kaya busina ang ginagamit nilang warning signal sa mga kapwa nila motorista.
Pero ang resulta naman nito, noise pollution.
Dahil dito, naisipan ng organisasyong “Manush Mela” (humanity fair sa wikang ingles) na magbigay ng award sa mga pinakadisiplinadong driver na hindi gumagamit ng busina.
Hindi lang daw ito solusyon sa noise pollution kundi paraan din para maiwasan ang mga away sa lansangan.
Umaasa naman ang awardee na si Dipak Das na balang araw, kikilalanin bilang “no-honking city” ang Kolkata.