Cauayan City, Isabela- Dinakip ng mga alagad ng batas ang pitong (7) katao na kinabibilangan ng isang retiradong pulis at benepisyaryo ng Social Amelioration Program (SAP) matapos na maaktuhang nagsusugal sa magkakahiwalay na bayan sa Lalawigan ng Cagayan.
Natimbog ng PNP Gonzaga sa paglalaro ng ‘Lucky 9’ sa Barangay Baua, Gonzaga Cagayan si Maricel Suarez, 36 anyos, benepisyaryo ng SAP habang ang tatlo nitong kasugal ay mabilis na kumaripas ng takbo para makatakas.
Huli naman sa ‘Tong-its’ ang isang retiradong pulis sa Barangay Bidduang, Pamplona na kinilalang si Felicisimo Bangalan Jr., 72 anyos, Dominador Villa, 56 anyos, at Imelda Inovejas, 54 anyos na pawang mga residente ng barangay Bidduang.
Hindi rin nakaiwas sa pag-aresto ng mga otoridad sina Edward Ursua, 51 anyos, magsasaka, Nestor Javier, 58 anyos, at Desiderio Luczon, 65 anyos, magsasaka at pawang mga nakatira sa brgy. Dugo, Camalaniugan, Cagayan.
Ang tatlong kalalakihan ay dinakip dahil sa aktong pagsusugal ng ‘Tong-its’ sa barangay Dugo.
Ang mga naarestong suspek at mga nakumpiskang pera at item na ginamit sa pagsusugal ay dinala sa kanilang himpilan ng pulisya para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.