Mahal at malaking pasanin ang mamatay sa Pilipinas para sa maraming mahihirap na Pilipino kaya isinulong ni Cebu Rep. Vincent Franco Frasco na ma-regulate ang bentahan ng kabaong sa bansa.
Nakapaloob ito sa House Bill 102 o panukalang Affordable Casket Act kung saan nakasaad na dapat ay palaging mayroong disenteng kabaong na ibinebenta ang mga funeral parlor na hindi lalagpas sa ₱20,000 ang presyo.
Ayon sa panukala, mula ₱5,000 hanggang ₱110,000 ang presyo ng kabaong sa bansa depende sa materyales at disenyo.
Utos ng panukala na kung ang isang mahirap na pamilya ay walang aabutang murang kabaong, ay ibibigay ng funeral establishment ang mas mahal na kabaong pero ang presyo na babayaran ay hindi lalagpas sa ₱20,000.
Ang mga punerarya na lalabag ay pagmumultahin ng hindi hihigit sa ₱200,000 at masuspinde ang license to operate ng hanggang anim na buwan.
Ang mga uulit sa paglabag ay papatawan ng multa na hindi hihigit sa ₱400,000 at aalisan ng license to operate.