Naging matumal ang bentahan ng paputok sa Naga City. Ito ang inamin ng mga nagbebenta ng paputok nitong nakaraang kapaskuhan kumpara sa nakaraang taon.
Ang naobserbahang katumalan sa bilihan ng mga paputok ay tinatayang sanhi at resulta ng agresibong kampanya ng otoridad at ng mga concerned agencies ng pamahalaang local na sikaping maging ligtas ang pagdaus ng kapaskuhan at iwasang gumamit ng paputok sa pagsalubong nito.
Nasa 40 ang mga negosyanteng binigyan ng permiso na makapagbenta ng paputok sa Naga City. Sila ay dumaan sa isang orientation tungkol sa kung anong uri ng paputok lamang ang maaaring ibenta sa kapanahunan ng kapaskuhan hanggang sa bagong taon.
Ayon sa pahayag ng mga negosyante, kahit pa man sumunod sila sa direktiba tungkol sa uri ng paputok na maari lamang ibenta, aminado silang talagang matumal ang bentahan at marami sa kanila ang nalugi.
Gayunpaman, inaasahang makakabawi sila ngayong darating na bagong taon kung saan hangad nilang makakapagbenta ng marami. Marami naman sa kanila ang nag-aalalala dahil kung sakaling hindi maibenta ang kanilang supply, mahihirapan silang itago ang mga ito na possible pang maging sanhi ng disgrasya sa lugar na pagtataguan ng mga paputok.
Samantala, lalo pang naging maigting ang kampanya ng Naga City Task Force Paputok sa mga komunidad na panatilihing maging disiplinado sa pagsalubong ng bagong taon at iwasang magpaputok sa mga lugar na ipinagbabawal ng lokal na pamahalaan. May mga lugar lamang na itinalaga ang bawat barangay kung saan pwedeng magpaputok ang mga residente.
Kasama mo sa balita, RadyoMan Grace Inocentes, Tatak RMN!
Bentahan ng Paputok, Matumal, Babawi Ngayon Magbabagong Taon
Facebook Comments