Napatunayan sa korte ang pananakit ng isang best man sa bride at ilang kaanak nito sa araw mismo ng kasal matapos kumbinsihin ang groom na matulog na.
Sinintensyahan ang kapatid ng groom na si Tomos Rhydian Wilson, 29, ng 12 buwang community service, at danyos sa bawat babaeng inatake niya sa kasalan noong Hulyo 27 sa Wales, United Kingdom.
Nag-amok si Wilson nang utusan ni Erin Mason-George ang bagong mister na si Steffan na matulog na dahil nakainom na ito.
Pinagsusuntok umano ng best man si Mason-George at tinangka pang kaladkarin pababa sa hagdan sa kanyang wedding dress.
Sinaktan din ni Wilson ang nanay at dalawang kapatid na babae ng bride, pati na ang manager ng hotel na kinuwelyuhan niya.
Bukod sa pisikal na pananakit, sinabihan din niya umano ang sariling kapatid na hindi na ito parte ng pamilya at hindi aniya nito dapat pinakasalan si Mason-George.
Hinatulan si Wilson ng guilty sa limang kaso ng pananakit, at dalawang criminal damage, ayon sa SWNS.
Sa pagdinig, sinabi ng hukom na niyurakan ng best man ang dapat sana ay masayang kaganapan.