Cauayan City, Isabela – Abalang-abala ngayon ang Bureau of Fire Protection Cauayan sa pagbibigay paalala sa publiko upang makaiwas sa sunog ngayong holiday season.
Sa naging panayam ng RMN Cauayan News Team kay FO1 Jonathan Cabangan Fire Code Fee Assessor/Fire Safety Inspector ng BFP Cauayan, kanyang ibinahagi ang nationwide program ng BFP na tinawag na “Oplan Paalala.”
Layunin ng nasabing programa na matiyak ang kaligtasan ng publiko laban sa sunog, lalo pa’t madalas na dumarami ang kaprehong insidente tuwing panahon ng Kapaskuhan at Bagong Taon.
Ito ay dahil na rin umano sa pag-gamit ng mga ipinagbabawal na paputok.
Ayon kay FO1 Cabangan, mula noong Disyembre 1, 2017 ay nagtalaga na ang BFP Cauayan ng kanilang mga operatiba sa mga matatao at panghunahing lugar sa lungsod ng Cauayan upang mamigay ng mga fire safety leaflets para iwas sunog, kasama na rin ang mga listahan ng mga ipinagbabawal na paputok.
Araw-araw din umano ang pag-iikot ng firetruck ng BFP Cauayan, bilang bahagi pa rin ng nasabing kampanya.
Pinayuhan naman ni FO1 Cabangan ang publiko na sa halip na ipinagbabawal na paputok, gumamit na lamang ng mga alternatibong paingay tulad ng torotot upang maging ligtas at payapa ang pagsalubong sa Bagong Taon.