Nakahanda na ang Bureau of Fire Protection o BFP Dagupan sa pagtatalaga ng mga tauhan at emergency vehicles sa tatlong sementeryo sa lungsod bilang paghahanda sa Undas 2026.
Ayon kay SFO II Henry S. Datuin ng BFP Dagupan, sa panayam ng IFM Dagupan, kabilang sa babantayan ang Dagupan City Public Cemetery at dalawang pribadong sementeryo.
Inaasahang dadagsa ang mga bibisita sa mga naturang lugar kaya muling ide-deploy ang mga tauhan ng Emergency Medical Response o EMR, kasama ang iba pang personnel ng tanggapan para sa operasyon.
Samantala, naghahanda na rin ang Philippine National Police o PNP para sa inaasahang pagdami ng mga biyahero at bibisita sa mga sementeryo sa buong Rehiyon Uno.
Kaugnay nito, pinayuhan ng mga awtoridad ang publiko na planuhin nang maaga ang pagbisita sa mga yumaong mahal sa buhay upang maiwasan ang abala at matiyak ang maayos at ligtas na paggunita sa Undas. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










