Namahagi ng mga upgraded na lalaking kambing o bucks ang Office of the Provincial Veterinarian o OPVet at Office of the Provincial Agriculturist o OPAG sa mga kooperatiba ng mga magsasaka bilang bahagi ng Animal Dispersal Program ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan.
Pinangunahan ng Provincial Administrator, ilang Board Member ng Sangguniang Panlalawigan, at iba pang kawani ng OPVet ang aktibidad.
Isinagawa ang pamamahagi sa Animal Breeding Facility and Nursery sa Barangay Malabobo, Mangatarem, kung saan napamahagian ang mga kooperatiba ng mga magsasaka sa nasabing bayan.
Naglalayon itong mapalago ang produksyon ng mga alagang hayop at masuportahan ang kabuhayan ng mga benepisyaryong kooperatiba.
Inaasahang makatutulong ang mga ipinamahaging upgraded bucks sa pagpapahusay ng pagpaparami ng mga kambing at pagpapalakas ng paghahayupan bilang dagdag na pinagkakakitaan ng mga benepisyaryo. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










