NFA BUYING PRICE NG PALAY SA PANGASINAN, ITINAAS SA ₱30/KILO; MGA MAGSASAKA, NAGSIMULA NANG MAGBENTA NG ANI

Nagsimula nang magbenta ng kanilang aning palay sa National Food Authority o NFA ang ilang magsasaka mula sa iba’t ibang bahagi ng Pangasinan, kasunod ng pagtaas ng buying price nito sa tatlumpung piso kada kilo para sa tuyo at malinis na palay.

Batay sa ulat ng NFA Pangasinan Branch Office, bukas sa pagbili ng palay ang mga bodega nito sa Binalonan Triplex, Alaminos GID at Mangatarem GID 1 upang tumanggap ng ani mula sa mga lokal na magsasaka.

Layon ng pagtaas ng presyo na matulungan ang mga magsasaka na maibenta ang kanilang natitirang ani sa presyong itinakda ng ahensya.

Matatandaang ilang magsasaka ang nalugi matapos masira at masayang ang malaking bahagi ng kanilang mga pananim dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan noong nakaraang buwan, na nakaapekto sa dami ng naaning palay at sa inaasahang kita ng mga ito. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments