Hinikayat ng Bureau of Fire Protection o BFP ang mga mambabatas na pagtuunan ng pansin ang modernisasyon sa kanilang hanay kaysa tutukan ang usapin na armasan sila, pero iginagalang nila ang ginawang pagbasura ng Senado sa bicameral report hinggil sa naturang usapin.
Ayon kay BFP Chief F/Dir. Jose Embang Jr., ipinauubaya na nila sa mambabatas ang pasya kung papayagan nila o hindi na bigyan sila ng armas upang maipagtanggol ang mga sarili sa panahon ng emergency.
Bagama’t ipinagpapasalamat nila sa ilang mga mambabatas ang pagsusulong sa nasabing panukala, may mas malaki aniya silang suliranin na nangangailangan ng agarang pag-aksyon.
Paliwanag ng opisyal hanggang ngayon kasi, malaki pa rin aniya ang kakulangan ng BFP sa mga kagamitan tulad ng firetrucks.
Kaya naman kung si Embang ang tatanungin, mas makabubuti aniya kung ang tututukan ng mga mambabatas ay ang kanilang modernisasyon kaysa sa pag-aarmas.