San Mateo, Isabela- Epektibong pamamaraan ang pagbibigay kaalaman para makaiwas sa paputok at sunog ang pagpapakalat ng mga flyers tungkol disgrasyang puedeng idulot ng mga ito.
Ito ang sinabi ni SFO1 Jefferson Ventura sa panayam ng RMN Cauayan News kaugnay sa kanilang kampanya na “Oplan Iwas Sunog”.
Ang kanilang kampanya ay nagsimula noong Disyembre 17 at magtatapos sa Disyembre 31, 2017.
Sa pangunguna ng kanilang pinuno na si SFO2 Francisco Macho ay patuloy ang kanilang pag-iikot sa mga barangay at palengke ng San Mateo, Isabela upang magpaalala at magbigay ng flyers tungkol sa pag-iwas sa sunog at magiging ligtas ang kanilang pagsalubong sa bagong taon.
Laman ng BFP flyers ang mga paalaala na dapat suriing mabuti ang klase ng Christmas lights at dapat may tatak na Import Commodity Clearance (ICC) ang mga ito at huwag din itong hayaang nakailaw ng matagal, iwasan ang octopus connection at suriing mabuti ang pagkakayari ng mga wire at plug.
Hinikayat din ng BFP na hanggang maaari ay huwag gumamit ng paputok o di kaya ay bumili lamang sa awtorisadong tindahan, huwag magpalipad ng “sky lanterns”, maglinis ng kapaligiran at huwag ding gumamit ng “BOGA”.
Ang mga paputok na ipinagbabawal ng BFP ay ang Atomic Bomb, Five Star, Giant Whistle Bomb, Goodbye Philippines, Goodbye World, Judas Belt, Lolo Thunder, Napoles, Pacquiao, Pla-Pla, Super Lolo, Trianggulo at Watusi.
Payo pa ni SFO1 Ventura na pag ibayuhin ang pag-iingat upang maidaos ng maayos at matiwasay ang pagsalubong sa nalalapit na bagong taon.