BFP, walang pinapaborang supplier sa pagbili ng firetrucks

Mariing itinanggi ng Bureau of Fire Protection o BFP na may pinapaboran itong supplier sa pagbili ng mga
trak ng bumbero.

Mensahe ito ni BFP Director Louie Puracan sa pagdinig ng House Committee on Public Order and Safety.

Sa hearing ay kinuwestiyon ni ACT Teachers PL Rep. France Castro ang bidding process ng BFP dahil lumalabas na isang bidder lamang umano ang sumasali.


Nasilip pa ni Castro na mula sa dating P11.7 million noong 2018 hanggang sa kalagitnaan ng taong 2021 ay umakyat sa halos P15 million ang kada unit ng trak ng bumbero noong December 2021.

Pero paglilinaw ni Puracan na ang bidding nila ay hindi “tailor fit” o ini-akma sa iisang supplier dahil ang totoo maraming bidders ang lumahok.

Sabi pa ni Puracan, para mas marami ang makasali sa bidding ay inalis na nila ang requirement na dapat ay nasa 15 taon na ang contractor sa paggawa o pagbuo sa Pilipinas ng mga fire trucks at iba pang rescue truck vehicles.

Itinanggi rin ni Puracan na ang mga contractor ng fire trucks ay nagkaroon ng 21% hanggang 61% na “profit margin” o kinita.

Facebook Comments