Cauayan City, Isabela- Nananawagan ngayon sa mga kababayan ang alkalde ng Burgos, Isabela na huwag matakot magpabakuna kontra sa COVID-19.
Sa Facebook post ni Mayor Kervin Francis Uy, ibinahagi nito na nagsimula na ang kanilang pagbabakuna sa mga Barangay Health Emergency Response Team (BHERT) ngunit ikinalulungkot nito ang naging resulta.
Mula kasi sa mahigit 280 na nasa kanilang shortlist, wala pa sa 50 ang bilang ng nagpabakuna.
Muli naman itong nanawagan sa mga BHERTs na magpabakuna dahil ito lamang aniya ang solusyon laban sa COVID-19.
Kaugnay nito, nakatakdang magpabakuna ang alkalde ngayong araw, April 13, 2021 base na rin sa kanyang Facebook post upang maipakita sa publiko na ligtas ang itinuturok na bakuna.
Sa kasalukuyan, mayroong 40 na aktibong kaso ang bayan ng Burgos; 102 ang total cumulative recoveries at tatlo (3) ang naitalang COVID-19 related death.
Pinakamaraming naitalang kaso sa nasabing bayan ang barangay Bacnor West na may labing tatlong (13) positive case.