BHW SA ALAMINOS, NAGHAHATID NG 3-KILONG SUBSIDIYANG BIGAS SA MGA PAMILYA

Personal na naghahatid ng 3-kilong subsidiyang bigas ang mga Barangay Health Worker o BHW sa mga pamilyang residente ng Barangay Poblacion sa Alaminos City na hindi pa nakatatanggap ng kanilang ayuda.

Bahagi ito ng programa na pinondohan mula sa Barangay Disaster Risk Reduction and Management o BDRRM Fund, na layong matiyak na walang kwalipikadong pamilya ang mapag-iiwanan.

Sa halip na hintayin ang mga benepisyaryo na magtungo sa barangay, nagsagawa ng house-to-house distribution ang mga BHW upang direktang maihatid ang subsidiyang bigas sa kanilang mga tahanan.

Ayon sa barangay, nakatakdang makatanggap ng tig-3 kilo ng bigas ang bawat pamilyang residente ng Barangay Poblacion.

Para naman sa mga hindi pa nakatatanggap, maaaring makipag-ugnayan sa Facebook page ng barangay o sa BHW na nakatalaga sa kanilang sitio upang ma-verify ang pangalan sa listahan ng mga benepisyaryo.

Patuloy naman ang barangay sa paghahatid ng serbisyo at tulong sa mga residente upang matiyak na maaabot ang lahat ng kwalipikadong benepisyaryo ng programa. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments