Wala pa ring inilalabas na opisyal na pahayag ang Presidential Anti Organized Crime Commission (PAOCC) at Bureau of Immigration (BI) sa lumabas na impormasyon na bahay ng isang dating opisyal ng gobyerno ang kanilang sinalakay.
Sa nasabing oeprasyon, dalawang Chinese nationals na may kinalaman sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ang naaresto.
Kinilala ang mga nadakip na babae na si Wang Keping, 35-anyos at ang lalaki na si Khuon Moeurn, 37-anyos na nadakip matapos salakayin ng pinagsanib na puwersa ng BI at PAOCC ang isang malaking bahay sa isang subdivision sa Tuba, Benguet.
Ayon kay PAOCC Executive Director Usec. Gilbert Cruz, nakatanggap sila ng tip na ang dalawang Chinese nationals na sinasabing may kaugnayan sa operasyon ng POGO ay nagtatago sa naturang bahay.
Sa ngayon, patuloy na biniberipika kung sino ang may-ari ng bahay kung saan posibleng itinatago ang dalawang Chinese nationals o kaya ay pinarerentahan ito sa kanila.