Bicam para sa MIF Bill, magpupulong ngayong umaga

Magpupulong ngayong umaga ang bicameral conference committee para pag-usapan at pagkasunduin ang bersyon ng Senado at Kamara sa Maharlika Investment Fund (MIF) Bill.

Kaninang pasado alas-2:30 ng madaling araw ay mabilis na inaprubahan sa plenaryo ng Senado hanggang sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang MIF matapos sarhan ang “period of amendments”.

Ito ay dahil “certified as urgent” ang panukala at kabilang din sa priority measures ni Pangulong Bongbong Marcos na target namang maisabatas bago ang kanyang ikalawang SONA.


Bagama’t umaasa ang Senado na i-a-adopt ng Kamara mamaya sa sesyon ang ipinasang bersyon ng Mataas na Kapulungan para mapabilis ang tuluyang pagpapatibay sa panukala, sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na magpupulong muna ngayong alas-11:00 ng umaga ang mga miyembro ng Bicam para isa-isahin ang mga pagkakaiba ng dalawang bersyon ng Maharlika.

Sa panig ng Senado ang bicam para sa Maharlika fund ay binubuo nina Senator Mark Villar bilang Chairman ng Senate contingent habang mga miyembro naman sina Senators Pia Cayetano, Ronald Bato dela Rosa, Sherwin Gatchalian, Francis Tolentino, Alan Peter Cayetano at Senate Minority Leader Koko Pimentel.

Samantala sa botohan kaninang madaling araw, 19 na senador ang pumabor sa Maharlika habang tumutol o nag-no naman si Senator Risa Hontiveros, nag-abstain naman si Senator Nancy Binay habang wala naman sa botohan sina Pimentel, Senator Chiz Escudero at Senator Imee Marcos.

Facebook Comments