Wala ngayong suplay ng kuryente ang malaking bahagi ng Bicol Region dahil sa paghagupit ng Bagyong Rolly.
Base sa report ng NEA Disaster Risk Reduction and Management Department, nakararanas ngayon ng power interruption ang lalawigan ng Camarines Sur, Camarines Norte, Albay at Sorsogon na sineserbisyuhan ng walong electric cooperatives.
Dulot na rin ito ng pagkaputol ng transmission services mula sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Wala ring kuryente ngayon sa Catanduanes at Masbate.
Ganito rin ang sitwasyon sa mga lugar sa Eastern Visayas na sineserbisyuhan ng Samar II Electric Cooperative at Northern Samar Electric Cooperative.
Ayon sa NEA, gumagawa na ng contingency measures ang 121 electric cooperatives sa naturang rehiyon upang maibalik agad ang suplay ng kuryente.
Habang ang mga power distribution utilities ay inatasang i-activate ang kanilang emergency response organization.