BIDDING SA MGA IMPOUNDED NA SASAKYAN, ISASAGAWA NG LTO CAUAYAN

Hinihikayat ng pamunuan ng Land Transportation o LTO Cauayan ang publiko na sumali sa kanilang gagawing pagsubasta sa mga impounded na sasakyan sa ika-13 ng kasalukuyang buwan.

Sa ating panayam kay Ginoong Deo Salud, Senior Supervising Transporation Regulation Officer 1 ng LTO Cauayan, magkakaroon aniya ng public bidding sa mga sasakyan na naimpound ng LTO na matagal nang hindi tinutubos.

Isasagawa mismo ang subastahan sa LTO Cabaruan kung saan kabilang sa mga subject for bidding ang 220 units ng motorsiklo; 13 units na may sidecar at dalawang 4 wheels na sasakyan.

Paliwanag ni Salud, kung hindi na natubos ng may-ari ang sasakyan ay mayroon na aniyang karapatan ang LTO na isailalim ang mga ito sa bidding.

Sinabi nito na karamihan sa mga naimpound na sasakyan ay hindi na tinutubos dahil na rin sa mataas na babayarang multa ng paglabag.

Samantala, ibabase naman ang presyo ng bawat isusubastang sasakyan sa halaga ng naitalang multa at violation ng may-ari. Ibabalik naman umano sa kaban ng bayan ang malilikom na halaga sa gagawing public bidding.

Facebook Comments