Posibleng pumalo pa rin sa higit 30,000 ang bilang ng mga aktibong kaso ng COVID-19 sa Metro Manila sa katapusan ng buwan ng Setyembre.
Ito ay sa kabila ng muling pagpapatupad ng hard lockdown o Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR) na magsisimula sa Agosto 6, 2021.
Ayon kay Department of Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, batay sa kanilang Feasibility Analysis of Syndromic Surveillance using Spatio-Temporal Epidemiological Modeler, maglalaro pa rin sa 18,000 hanggang higit 30,000 ang bilang ng mga aktibong kaso.
Higit na mas mataas ito kumpara sa huling tala na 12,108 mula sa higit 552,000 na kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 sa NCR.
Aniya, ang ipapatupad na ECQ ay hindi para pigilan ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa NCR kundi para ihanda ang health care system ng bansa sa mas nakakahawang COVID-19 Delta variant.