Nadagdagan pa ng 751 ang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.
Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire, sumampa na sa 19,748 ang mga tinamaan ng COVID-19 sa bansa.
Sa nasabing bilang, 221 rito ang “fresh cases” habang 530 ang “late cases”.
Walo naman ang nadagdag sa mga nasawi na umakyat na sa 974.
Habang 90 pasyente naman ang gumaling na sa sakit na may kabuuang ng 4,153 recoveries.
Kaugnay nito, umabot na sa 5,259 ang bilang ng mga Pilipino sa abroad na tinamaan ng COVID-19 matapos maitala ang 29 bagong kaso.
Sumampa naman sa 2,205 ang mga gumaling na sa nakakahawang sakit habang nasa 354 ang naitalang nasawi.
Samantala, nagnegatibo naman sa kanilang RT-PCR Test ang 47,536 na mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Kabilang sa mga ito ang Filipino seafarers at returning Filipinos.