Show cause order, inilabas ng LTO laban sa may-ari at driver ng truck na sangkot sa aksidente na ikinamatay ng 3-katao sa Marikina City

Pinagpapaliwanag ng Land Transportation Office o LTO ang registered owner at driver ng trailer truck na sangkot sa malagim na aksidente sa lungsod ng Marikina noong Miyerkules.

Sa show cause order na inilabas, sinabi ni LTO Chief Asst Sec. Vigor Mendoza II na nais mabatid ng ahensya ang nangyari at kung may mga pagkakamali sa bahagi ng may-ari ng truck sa pagpapanatili ng sasakyan at kondisyon ng driver sa panahon ng aksidente.

Sa report ng Marikina City Police Station, hindi kinaya ng trailer truck ang paakyat na bahagi ng Fortune Avenue kaya naatrasan nito ang ilang mga sasakyan habang nadaganan ang iba pa matapos na tumagilid ang dala nitong container van.

Kabilang sa nasawi ang mag-ina na sakay ng isang sedan habang hindi bababa sa sampu katao pa ang nasugatan.

Paliwanag pa ni Mendoza na nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng truck na nasampahan na ng patong-patong na kaso.

Facebook Comments