Cauayan City, Isabela- Bumaba sa bilang na dalawang libo at isang daan ang mga naitalang aksidente sa daan nitong nakalipas na taon kumpara sa mga nagdaang taon na mayroong bilang na mahigit anim na libo dito sa lalawigan ng Isabela.
Ito ay matapos maipatupad ni Isabela Governor Faustino “Bojie” Dy III bilang Chairman ng Isabela Road Safety Council ang Executive Order 18 na nagpapa-alala sa mga Law Enforcement Agency na paigtingin ang pagpapatupad sa batas trapiko.
Sa eksklusibong panayam ng RMN Cauayan kay Atty. Constante Juato Foronda, ang Pinuno ng Public Safety Services Isabela Provincial Government, aniya naging usapan sa kanilang isinagawang pagpupulong kahapon ang mga hakbangin upang mas lalong mapapaba at maiwasan ang mga insidente sa daan o kanilang tinatawag na “Road Crash.”
Layunin rin ng kanilang isinagawang pagpupulong ay upang suriin ang mga problema sa mga lansangan na nagiging sanhi ng mga aksidente upang mabigyan ito ng solusyon.
Ayon pa kay Atty. Foronda, karamihan sa mga motoristang biktima ng “Road Crash” ay mga kabataan at ito rin umano ang may pinakamaraming naitatala sa mga namamatay.