South Cotabato – Nadagdagan pa ang bilang ng mga presong babae sa South Cotabato Rehabilitation and Detention Center na sinasabing sinapian umano ng masasamang espiritu mula pa noong Lunes hanggang ngayon.
Sa datos ng Provicial Jail, umabot na sa 12 mga preso ang na-possessed at ang iba naman sa mga nasabing bilanggo ang muling sinapian kaninang umaga.
Sinabi ni Warden Juan Lansaderas na batay sa pahayag ng isang preso na na-posess, sinira umano ang kanilang tirahan dahil sa ipinatatayong 2-storey building para sa dagdag na seldang mga presong babae at naglagay rin umano ng poso sa lugar.
Kaugnay nito, agad namang tumulong ang iilang pastor sa lalawigan upang maitaboy umano ang masasamang espiritu at matigil na ang pagsanib sa mga preso.
Siniguro naman ni Lanzaderas na tuloy pa rin ang konstruksyon ng two-story building sa lugar sa kabilang pangyayari.
Samantala, inutos na rin ni South Cotabato Governor Daisy Avance Fuentes ang pagsasagawa ng malalimang imbestigasyon sa pangyayari dahil ang nasabing mga bilanggo ay mga drug user din umano.