Bilang ng mga baboy na pinatay dahil sa ASF, umabot na sa 300,000

Umabot na sa 300,000 ang pinatay na baboy sa bansa bunsod ng pagkalat ng African Swine Fever (ASF).

Ito ay sa gitna ng pahayag ng Department of Agriculture (DA) na napabagal ng COVID-19 pandemic ang pagkalat ng hog disease.

Batay sa ika-10 follow-up report sa World Organization for Animal Health, ang Pilipinas ay mayroong 20 bagong outbreak na naitala at nasa 10,543 na pinatay na baboy ang nadagdag sa listahan.


Sa kabuuan, aabot na sa 309,387 na baboy ang napatay mula nang magsimula ang outbreak nitong Agosto 2019.

Sa huling datos mula sa pamahalaan, mayroong 4,711 ASF cases sa bansa at naitala ang pinakamataas na kaso sa Malasiqui, Pangasinan na mayroong 3,018 cases, sinundan ito ng San Carlos City na may 1,933 at Pamplona sa Camarines Sur na nasa 1,170.

May bagong outbreak ang naitala sa Tanay at Antipolo, Rizal habang nakapagtala ng 336 na patay na baboy sa Botolan, Zambales.

May mga bagong kaso rin sa Calasiao, Alaminos City, Anda at Bolinao sa Pangasinan.

Nakapagtatala rin ng bagong kaso sa Los Baños, Laguna, Pinagbayanan sa Quezon at Sto. Tomas sa La Union.

Ang bayan ng Ramon sa Isabela ay mayroon ding bagong kaso, habang sa Ifugao ay mayroon ding bagong kaso sa bayan ng Banaue at Haliap.

May naiulat ding bagong kaso sa Naga City, San Fernando, Canaman, at Gainza sa Bicol Region.

Sa ngayon, nasa P733 milyon ang nailabas ng DA sa ilalim ng quick response fund para tulungan ang mga apektadong hog raisers.

Facebook Comments