Cauayan City, Isabela-Aminado ang Department of Interior and Local Government- Cauayan City na mababa ang turn-out o bilang ng mga Barangay Officials na sumailalim sa bakuna kontra COVID-19.
Ayon kay G. Rambo Tambauan ng DILG, isa ang lungsod ng Cauayan sa may kakaunti ang bilang ng mga opisyal ng barangay na nagpabakuna sa ilalim ng A1 priority.
Dahil rito, nakipag-ugnayan ang DILG Cauayan City sa City Health Office (CHO) upang hingan ng paliwanag ang mga Barangay Officials kung bakit mababa ang bilang ng mga gustong magpabakuna.
Kasabay nito, hihilingin rin naman ng CHO na dapat ang mga opisyal ang mga nagbibigay ng magandang halimbawa upang hikayatin ang iba pa nilang kabarangay sa benepisyo ng pagpapabakuna kontra COVID-19.
Samantala,magsasagawa naman ng rescheduling para balikan ang mga opisyal ng barangay na ayaw magpabakuna at mahimok sila sa kampanya na pagpapabakuna laban sa mapaminsalang virus.
Iginiit ni Tambauan na bagama’t hindi sapilitan ang pagpapabakuna ay may panawagan ito na tangkilikin dapat ng mga opisyal ang bakuna upang mas madaling maipaliwanag sa kanilang mga kabarangay.
Patuloy naman ang ginagawang pag-iikot ng nasabing tanggapan sa mga malalayong lugar upang ipaabot ang kahalagahan ng bakuna kontra COVID-19.