Hindi na binago ang bilang ng mga bisitang dadalo sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes, July 26 sa kabila ng kumpirmadong banta ng Delta variant sa bansa.
Ayon kay House Secretary General Mark Llandro Mendoza, nasa 350 pa rin ang bilang ng mga guests o mga bisita na tatanggapin para sa SONA ng presidente, kasama na ang mga mambabatas, miyembro ng gabinete at iba pang VIPs.
Para matiyak ang kaligtasan at kalusugan ng lahat laban sa COVID-19, ay mahigpit na paiiralin ang safety at health protocols.
Dahil simple lang ang SONA ni Pangulong Duterte, walang magaganap na “fashion show” o rampahan ng mga kasuotan sa red carpet na taun-taong highlight sa mga nakaraang SONA ng iba’t ibang pangulo.
Dagdag ni Mendoza, “all systems go” o plantsado na ang lahat para sa SONA, at nagsimula na ang “lockdown” ngayong araw sa Batasang Pambansa na magtatagal hanggang sa Linggo, July 25.