*Cauayan City, Isabela-* Tumaas ang bilang ng mga pasyenteng nalulong sa droga ang sumasailalim sa programa ng Treatment Rehabilation Center o TRC sa City of Ilagan kung saan mula sa limampung bed na meron ang naturang Rehab Center ay umabot na ito sa bilang na isangdaan.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Information Officer Floro Orata ng DOH Region 2, mula sa mahigit isang taon nilang sinimulan ang kanilang programa base sa kanilang census ay mayroon na silang isangdaan at tatlumpu’t anim (136) na residential patients at mula sa residential na pasyente ay mayroon nang labing tatlo ang kanilang napagtapos.
Ayon pa kay Information Officer Orata, mayroon din umano silang walong pasyente bilang Outpatients at dalawa sa mga sumailalim sa Care Program ay nakapagtapos na rin.
Base sa kanyang paliwanag, ang mga pasyenteng Malala sa pagkalulong sa droga ay mga tinatawag na Residential Patients habang ang mga moderate users naman o di-gaanong lulong sa droga ay kanilang tinatawag na Out-Patients.
Napabayaan din kasi umano ng mga naunang administrasyon ang mga kaso hinggil sa iligal na droga kaya’t marami sa mga pinoy ang nalulong sa droga.
Dagdag pa niya, nasa animnapung libong piso ang kanilang budget sa isang pasyente kada buwan dahil sa kanilang mga gastusin gaya ng pagkain, gamot at ang kanilang mga ginagamit na pasilidad.
Bukas lamang umano ang kanilang tanggapan para sa lahat ng mga gustong sumailalim sa kanilang programa upang mabigyan ng kaalaman at matulungan ang mga ito na magbago mula sa kanilang masamang bisyo.