Saturday, January 24, 2026

Bilang ng mga Pilipinong nagsasabing mahirap sila, malaking ibinaba—OCTA Research Survey

Malaki ang ibinaba ng bilang ng mga Pilipinong nagsasabing mahirap sila, batay sa pinakahuling OCTA Research Survey.

Sa datos ng OCTA, ang self-rated poverty ay bumaba ng 17 puntos, mula 54 porsiyento noong ikatlong quarter ng 2025 tungo sa 37 porsiyento sa ikaapat o huling quarter ng taon. Katumbas ito ng humigit-kumulang 9.8 milyong Pilipino.

Isinagawa ang survey noong December 3 hanggang 11, 2025, kung saan 1,200 Pilipino ang naging respondents.

Sa isang Saturday Forum, sinabi ni UP Assistant Professor Ranjit Rye ng Department of Political Science ng University of the Philippines na record-breaking ang naturang pagbaba batay sa tala ng OCTA.

Gayunman, binanggit din ni Rye na bahagyang tumaas ang hunger rate sa ilang bulnerableng lugar, bunsod ng mga nagdaang weather disturbances at mga isyu sa food access.

Dagdag pa ni Rye, positibo ring indikasyon ang pagpasa ng 2026 national budget, na nakatuon sa human development.

Facebook Comments