Kinumpirma ni Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal na umaabot na sa 24 ang mga tauhan ng MIAA na nagpositibo sa COVID-19.
Ayon kay Monreal, siyam dito ang nakarecover na, pito ang nakabalik na sa trabaho at ang dalawa ay naghihintay pa ng medical certificate upang makabalik na rin sa kanilang trabaho.
Ang labing-limang kawani naman aniya na pinakahuling nagpositibo sa virus ay sumasailalim pa sa ikalawang swab test.
Karamihan sa mga kawani ng MIAA na nagpositibo sa COVID-19 ay mula sa Airport Police Department, Security and Emergency Services, Intelligence and Investigation Division /Intelligence Assessment Management Division at iba pa.
Nilinaw naman ni Monreal na wala pa sa isang porsiyento ang naturang bilang mula sa kabuuang mahigit na apat na libong mga kawani ng MIAA.
Nangangahulugan ito na hindi maapektuhan ang operasyon ng paliparan.
Wala rin aniyang dapat ipangamba sa paliparan dahil mahigpit nilang sinusunod ang mga ipinatutupad na health protocols.