Sumampa na sa walo ang bilang ng mga nasawi sa bakbakan ng militar at Daulah Islamiya-Maute Group sa Maguing, Lanao del Sur.
Pito na ang napatay sa panig ng teroristang grupo habang isa sa mga sundalo na kinilalang si Private Clint Ray Armada ng 55th Infantry Battalion.
Ayon kay Western Mindanao Command Spokesperson Major Andrew Linao, inaalam pa nila ang pagkakakilanlan ng mga napatay na terorista at kung kabilang rito ang leader nila na si Abu Zacaria.
Nabatid na pakay ng operasyon ng militar at pulis na magsilbi ng warrant of arrest laban kay Abu Zacaria dahil sa patong-patong na kaso ng arson, murder, extortion at iba pa.
Si Zacaria ay ang pinuno ng Daulah Islamiya-Maute Group na nag-o-operate partikular sa Lake Lanao at Lanao del Sur at ang bagong emir ng ISIS sa Pilipinas.
Samantala, kinumpirma rin ni Linao na pansamantala nilang itinigil ang pagsasagawa ng airstrike matapos na matakot ang mga tao.
Pero paglilinaw niya, malayo ang operasyon sa mga kabahayan at tiniyak na walang sibilyan ang nadamay sa bakbakan.